Hindi ako magaling magtagalog (O Isang Paumanhin sa Makatang Pilipino)
hindi ako magaling magtagalog
marahil dahil pinalaki ako
sa mga VHS na Disney
at nagkamalay sa mga paaralang pinupuri
ang katatasan sa Ingles
hindi rin ako magaling tumula
at nananatiling tila trying hard
na makata
dahil natuto akong maging matatag gamit ang lohika ng isip
gayunpaman
ay naalala kita
at kung paano mo
kinanta
ang katotohanan
sa kayumangging wika
at kung paano mo
binigyang balarila
ang mga pangungusap ng puso
at kung paano mo
nilasap
ang lengwahe ng libog
kung kaya’t ako ma’y magkulang
sa mga mata nina Balagtas, Barros o Lacaba
ay wala nang magagawa pa
ito lang ang panitik ng pag-ibig
na alam ko